pagtatapos

Kaibigan,

(Hindi ba’t iyon naman ang una nating turingan?)

Sa totoo lang ay matagal ko nang ninanais isulat ang liham na ito ngunit lagi ko lang nakakatulugan. Sa tuwing ilalathala ko na sa salita ang damdamin ay iilang pangungusap lang ang lumalabas.

Nang mapagtanto ko nga na wala nang pag-asang magkabalikan tayo (at least, hindi ngayon), ay hindi ko na hiniling pang magkabalikan tayo. Ang luho ko naman. Kailangan ko ring pag-isipan lahat ng ginugusto ko nang hindi ako mapasubo.

Ang (hindi ko masabi-sabing) hinihingi ko lang sana ay mag-usap tayo. Lagdaan nating pareho ang dulo ng pahina upang matiwasay tayong maglayo. Hindi ko kinakalimutan ang naging unang turing ko sa iyo.

Kaibigan, ito sana ang isusulat ko sa iyo. Alam kong progresibo kang mag-isip. Ayaw na ayaw mong nanlulumo sa sitwasyon nating pareho. Kumbaga’y napakasalimuot nga naman. Ang bigat sa kalamnan. Alam kong ako ang pumiling umalis sa panahon na sana’y hinabol ko pa ang mga hindi ko naabutan, mga pagkukulang. Alam kong nahihirapan ka na.

Hindi, hindi ko pala alam.

Hindi ko alam ang pakiramdam na umiyak gabi-gabi. Hindi ko pala alam ang pakiramdaman na pilit tinatago ang kalungkutan. At maaaring hindi naman ako ang nakaranas ng paulit-ulit na pag-asa at paghihintay.

Pasensya ka na’t lagi na lang naaantala. Pasensya ka na at hindi na ako nakabalik.

Pero, kaibigan, inibig kita at iniibig kita. Kailangan nga naman nating gumalaw upang hindi lumubog. Nahihirapan rin ako, ngunit bigyan mo sana ako ng panahong magluksa. Bigyan mo ako ng panahon upang pagluksaan ang mga yumaong pangarap, pag-aasam, at pangako. Bigyan mo sana ako ng hindi ko pa masukat na panahon upang iyakan ang mga alaalang kailangang ilibing sa limot. Bigyan mo pa sana ako ng panahon bago isaboy ang mga abo ng ating mga labi sa kawalan.

Patawarin mo sana ako, kahit ngayon, sapagkat hindi ako nagpakatatag noong naghihingalo itong mga pinangangalagaan nating mga pangarap.

Hindi ko pa rin alam kung saan magsisimula pagkatapos ng sakuna.

Kaibigan, iniibig kita at inibig kita at hindi na kita iniibig, minsanan.

Buong puso kong ikinagagalak na ikaw ay masaya ngayon. Nagagalak ako na hindi mo pa pala nakalilimutang ngumiti, tumawa. Masaya ako at hindi na ako hihiling pa ng kahit ano sa iyo. Wala nang galit at poot sa aking isipan. Masaya na lang ako sa laki ng dinulot nating pagbabago sa isa’t isa.

Heto na naman ako, napapangiti na lang dahil sinusubukan kong bigyang laman ang aking mga kuro-kuro. Ni hindi ko nga matantsa kung tama pa ba ang balarila ko sa kabalbalang ito.

Siguro nga dati’y hindi ko maisulat-sulat ito dahil hindi ko alam kung paano ko ito tatapusin. Alam kong ayaw ko itong isulat na may malungkot na pagtatapos. Dalawang buwan rin ‘yon. Higit pa. Nakakatawa isipin. Ang tagal magluwal ng damdamin. Bubot pa kapag lumabas.

Kaibigan, salamat. Naging masaya tayong pareho. Maging masaya tayong pareho. Kawilihan lang natin ang lahat ng inaatupag natin ngayon.

Ngayon ko lang naisip na ganito pala ito magtatapos:

Sa tingin ko ay handa na akong magsimulang mangarap muli.

 

Kaibigan, kailan pa man,

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s