Vargas Inferno

1
Nang magkamataan tayo isang hapon (wala ka namang iba pang makikita kundi ako sa kalsadang iyon), minsanang naramdaman ko ang pananabik na nakita kang ngumiti muli at ang kahihiyan na hindi mo na ako naaalala.

Hindi ako magkakamali. Ikaw nga iyon at nagkatinginan tayo. Naaalala ko ang mata mo, ang hugis ng iyong mukha, at ang buhok mong dati’y umaagos at nag-aapoy (ngayo’y maikli na). At hindi ako magkakamali na sa unang pagaakala pa lang sa’yo, naalala ko ang pangako dati: na minsa’y ilalabas kitang muli.

Wala kang pinagbago masyado (maliban nga sa buhok mo, na ngayo’y maikli’t itim). Maganda ka pa rin.

Sampung segundo—hindi, mas maikli pa siguro—lamang ang kailangan upang simulan ang isang panghabambuhay na diskurso: kung baki’t kaya’y, sa lahat ng atin nang pinagdaanan (sinasabi ko ito na para bang kay tagal na nga ng ating pinagsamahan), hindi mo man lang ako maalala.

Tinititigan kita upang mapawi ang haka-haka, at napawi nga. Tinignan mo ako at nakilala kita.

Tinignan mo ako, at bumalik ka sa dating kinahaharapan.

2
Marahil paulit-ulit nang sinabi ng nakatatanda sa iyo: hindi mo malalaman ang kahalagahan ng isang bagay hanggang sa ito’y mawala na sa’yo.

Inferno ang impyernong pinagdaanan ko sa iyo. Nang minsang natagpuan kita (at hindi ko maikakaila ang kahalagahan mo at ang matagal ko nang pagnanais ko sa’yo), isinantabi kita sa pag-aakalang naroroon ka pa sa aking pagbalik. Siyempre, ako’y nagkamali at pinilit kong paniwalaan na ikaw ay matatagpuan ko pa rin.

Nang ako’y nagbalik, nanghina ang loob ko’t nanlambot ang aking tuhod nang makitang ang dating kinalalagyan mo ay ngayo’y wala nang pumupuno. Ang anyo mo, na minsan ko nang nahaplos, nabatikos, ay ninanais ng aking mga daliri’t palad. At sa mga panahong iyon ay handa na akong magmakaawa sa sino man iyong hawak ka.

Demonyo ka. Pinaniniwala mo ba ako, o sadyang ayaw ko lang amining hindi ako makapaniwala?

Ipinagpalit kita sa pansariling muni-muni, sa mga bagay na puwede namang makuha nang hindi mo kapalit.

Pinilit ko na lang isipin na hindi tayo itinakda, itinadhana. Pero sino na nga lang ba ang itinatadhana? Ang umaasa (na siya ding naiiwang nakatunganga)? Mayroon ang iba dahil hindi sila nagpakawala. At, marahil, napag-iiwanan na ng panahon ang siyang naghihintay na lamang sa itinakda.

Ano pa’t naghahanap na lang ako ng katulad mo (isang pampalubag-loob) na pilit ipapaalala ang mga bagay na hinding-hindi na magiging akin. O, hindi—Mga bagay na nasa sa akin na sana.

Aking binalewala.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s