pagtatapos

Kaibigan,

(Hindi ba’t iyon naman ang una nating turingan?)

Sa totoo lang ay matagal ko nang ninanais isulat ang liham na ito ngunit lagi ko lang nakakatulugan. Sa tuwing ilalathala ko na sa salita ang damdamin ay iilang pangungusap lang ang lumalabas.

Nang mapagtanto ko nga na wala nang pag-asang magkabalikan tayo (at least, hindi ngayon), ay hindi ko na hiniling pang magkabalikan tayo. Ang luho ko naman. Kailangan ko ring pag-isipan lahat ng ginugusto ko nang hindi ako mapasubo.

Ang (hindi ko masabi-sabing) hinihingi ko lang sana ay mag-usap tayo. Lagdaan nating pareho ang dulo ng pahina upang matiwasay tayong maglayo. Hindi ko kinakalimutan ang naging unang turing ko sa iyo.

Kaibigan, ito sana ang isusulat ko sa iyo. Alam kong progresibo kang mag-isip. Ayaw na ayaw mong nanlulumo sa sitwasyon nating pareho. Kumbaga’y napakasalimuot nga naman. Ang bigat sa kalamnan. Alam kong ako ang pumiling umalis sa panahon na sana’y hinabol ko pa ang mga hindi ko naabutan, mga pagkukulang. Alam kong nahihirapan ka na.

Hindi, hindi ko pala alam.

Hindi ko alam ang pakiramdam na umiyak gabi-gabi. Hindi ko pala alam ang pakiramdaman na pilit tinatago ang kalungkutan. At maaaring hindi naman ako ang nakaranas ng paulit-ulit na pag-asa at paghihintay.

Pasensya ka na’t lagi na lang naaantala. Pasensya ka na at hindi na ako nakabalik.

Pero, kaibigan, inibig kita at iniibig kita. Kailangan nga naman nating gumalaw upang hindi lumubog. Nahihirapan rin ako, ngunit bigyan mo sana ako ng panahong magluksa. Bigyan mo ako ng panahon upang pagluksaan ang mga yumaong pangarap, pag-aasam, at pangako. Bigyan mo sana ako ng hindi ko pa masukat na panahon upang iyakan ang mga alaalang kailangang ilibing sa limot. Bigyan mo pa sana ako ng panahon bago isaboy ang mga abo ng ating mga labi sa kawalan.

Patawarin mo sana ako, kahit ngayon, sapagkat hindi ako nagpakatatag noong naghihingalo itong mga pinangangalagaan nating mga pangarap.

Hindi ko pa rin alam kung saan magsisimula pagkatapos ng sakuna.

Kaibigan, iniibig kita at inibig kita at hindi na kita iniibig, minsanan.

Buong puso kong ikinagagalak na ikaw ay masaya ngayon. Nagagalak ako na hindi mo pa pala nakalilimutang ngumiti, tumawa. Masaya ako at hindi na ako hihiling pa ng kahit ano sa iyo. Wala nang galit at poot sa aking isipan. Masaya na lang ako sa laki ng dinulot nating pagbabago sa isa’t isa.

Heto na naman ako, napapangiti na lang dahil sinusubukan kong bigyang laman ang aking mga kuro-kuro. Ni hindi ko nga matantsa kung tama pa ba ang balarila ko sa kabalbalang ito.

Siguro nga dati’y hindi ko maisulat-sulat ito dahil hindi ko alam kung paano ko ito tatapusin. Alam kong ayaw ko itong isulat na may malungkot na pagtatapos. Dalawang buwan rin ‘yon. Higit pa. Nakakatawa isipin. Ang tagal magluwal ng damdamin. Bubot pa kapag lumabas.

Kaibigan, salamat. Naging masaya tayong pareho. Maging masaya tayong pareho. Kawilihan lang natin ang lahat ng inaatupag natin ngayon.

Ngayon ko lang naisip na ganito pala ito magtatapos:

Sa tingin ko ay handa na akong magsimulang mangarap muli.

 

Kaibigan, kailan pa man,

kailangang magising

Kay sayang manatili
sa panaginip.
Walang galit,
walang pilit
sa nararamdaman.

Kay sayang magising
mula sa idlip
at subukang makabalik
sa naudlot na panaginip.

Kung makabalik ma’y
napakasayang:
maramdaman
na   n a p a k a g a a n
ng pakiramdam
dahil hindi na ako galit sa’yo;

makasalubong,
habang naglalakad, ang mga mata mong
masaya at hindi na rin
galit sa akin.

Labi mo’y pula,
binibigkas ang dating tawagan.
At ako’y nababahala
sa hindi inaasahang
galak na dulot mo.

Ang dulo nito’y makikilala
ng anino ko ang liwanag nito.

Kung hindi: mananatiling
gising at pipiliting
makatulog ulit at
maiwan sa liwaliw.
Hindi mangyayari.

Buong araw dadalhin
at bubuhatin
ang puso na lunod
sa lungkot at galit.

Hindi makakakain
sapagkat wala nang gana

mangarap
na maibalik
ang ulo sa panaginip
dahil
pagod na akong magalit.

Ang bigat ng mundo, at gusto ko nang umuwi.

(Ang kaso, kung umuwi man ako tila mas bibigat pa lalo ito.)

Hindi na magiging tulad ng dati ang pagpawi mo ng pangungulila ko. Alam kong kailangan mo ng oras at alam kong kailangan ko rin nito. Kailangan natin ng pagitan sa isa’t isa upang makasigurado sa ating mga damdamin.

Mabigat pa rin. At araw araw ay hinahanap ng pandinig ko ang tinig mo.

Kailangan kong respetuhin ang iyong pag-aayaw. At kailangan kong alalahanin kung bakit ako umalis.

Ikaw ang naging tahanan ng puso kong lumalaboy at pagod nang lumibot. Ito’y nais nang mapadpad muli sa isla sa pagitan ng iyong mga baga. Mga bagay na takot akong sambitin muli sa iyo. Takot na mawala pa ang wala na.

Siguro nga’y mahal kita at mahal mo pa rin ako. Ngunit hindi na tayo nagmamahalan. Ang ating mga sarili ang siyang tanging mga hadlang sa pagkakaisa ng mga damdamin. Ang puso ko ay ninanais ang kabiyak nito. Iyo. Na sa ilang taon ay naipagtagpi sa pagaakalang hindi na tayo mag-iisa muli.

Hindi ka isang pagkakamali. Ang naging tayo ay hindi kailan man magiging pagsisisi.

Ikaw pa rin ay maganda sa akin, at ang mga palad mo’y inaantay kong dumapo sa aking mga bisig.

Alitaptap, maliit at munti, ang aking pag-iisa ay bigyang liwanag muli.

Gamu-gamo, na minsa’y dumapo sa bintana ko, bukas ikaw na ay maglalaho.

isang pagaalala sa pag-alala

Paano ka napapakali sa gabi?

Nahahagip ko sa hangin na ika’y maganda pa rin.

Hinihinga ko ang hangin na ika’y mahal pa rin.

Sa gabi tuwing may panahon nang mamahinga,
hinahanap ng ulo ko ang pintig ng iyong paghinga.

Takot akong mabalot ng dilim ulit
at sa tuwing
tapos na ang araw,
pagod na ang isip,
ikaw ang dumadampi
sa aking pisngi.

mainit
pipikit
yakap ay mahigpit
pipikit
at

babalutin ng dilim ulit.

At paulit-ulit pang
babalutin
ng iyong init
ang aking pagnanais.

 

(iyo sanang pawiin

kahit imposibleng isipin

na tayo pa’y magiging

 

tayo muli)

 

Ikaw ang sanhi
Ikaw ang huli
Ikaw ang hihintayin

Hanapin mo ako

Hindi ako magtatago

(hindi iyon paghahanap)

 

Tunguhin mo akong muli,

alalahanin lang,

‘wag kalimutan.

 

Kalimutan mo na ang lahat ng pangako mo sa akin.

Pero, mahal?

Alalahanin mo ako.

 

Hindi “huwag kalimutan”.

 

Alalahanin.

 

Lahat ng panahong ipinadama ko sa iyo na ikaw lamang ang kasiyahan ko.

Kalimutan mo ako.

Huwag lang ang kasiyahan mo.

pagbabakasakali

Pinakamamahal,

Nais kong simulan ang liham na ito sa gasgas na katagang “Hindi ko alam kung saan ako magsisimula” dahil ito sa aking pakiramdam ang pinaka-katotohanan ng isinusulat kong ito. Nawawala pa rin ako.

Heto’t magsisimula na lang ako sa mga bagay na walang kaugnayan sa iyo:

Feeling Robert de Niro ako sa tuwing umuupo ako sa harap ng taxi at lumilipas nang isa-isa ang mga ilaw. Naririndi sa burak at rumi ng lungsod, ng isip ng tao. Hindi makatulog. Hindi mapakali. Malamang nalulungkot.

Sayang ang kinse ko sa kompyuteran na sobrang kupad ng internet. Agiw ang world wide web. Modus, twentipayb per ora pa pala ang singil.

Natanaw ko minsan kung saan humahanggan ang ilog at nagsisimula ang karagatan. Sunod kong hahanapin ang tagpuan ng ulap at tala. Siguro nga’t lahat ng bagay ay nagkakasalubong. Ang huli ng isa ay una pa lang ng kabila. Nakakapagod isipin. Nakalulungkot rin.

Nararamdaman ko na ang dila ng apoy ng impyerno sa tuwing isandaan ang ibabayad ko sa drayber ng jeep.

Masarap ang ice tubig sa tag-araw. Masakit ang sugat na dulot ng supot ng Frostee sa gilid ng labi.

Hindi lahat ng maganda kailangang syotain.

Napangiti ako nang marinig kong pinangangaralan ng isang baklang kahera sa kainan ang isang bading na batang dropout sa school na nagbebenta ng panali sa buhok. “Mahirap maging bayot na walang pinag-aralan,” aniya.

Mahalaga lamang ang kaarawan kung napakabata mo pa’t tumatanda na o napakatanda mo na’t tumatanda ka pa rin. Ang una ay countdown sa iyong pagtanda; ang pangalawa ay pasasalamat na hindi ka pa deds. Sa pagitan nito’y naghihintay ka pa rin ng babati sa iyo tuwing hatinggabi ng iyong kaarawan.

Kung ilegal ang pagbebenta ng ligaya, bakit may nagbebenta pa rin ng taho?

Sa Ilokano nag-aaway ang mga magulang ko. Minsa’y nagising na lang ako sa anino nila sa dingding na blanko. Sabi ng tatay ko (sa Ilokano), “Mamamatay ako nang nagtatrabaho para mabuhay ang mga anak ko.” Yun lang ang naintindihan ko bago lunurin ng hagulgol ang dahilan ng away nila.

Aanhin ang ganda kung hindi naman nakikiabot ng bayad sa jeep?

Top three combos na mas compatible kesa sa Aries at Leo: Mainit na turon at malamig na RC. Ang amoy ng Happy Meal toys at ang lasa ng Burger Mcdo. Ang amoy ng wetwipes at amoy ng poopoo na golden brown.

Dito na rin muna magwawakas, sa mga bagay na wala namang kaugnayan sa iyo at sa atin. Alam kong ayaw mo pa ring pag-usapan ang tungkol sa atin.

Nagmamahal pa rin,

Vargas Inferno

1
Nang magkamataan tayo isang hapon (wala ka namang iba pang makikita kundi ako sa kalsadang iyon), minsanang naramdaman ko ang pananabik na nakita kang ngumiti muli at ang kahihiyan na hindi mo na ako naaalala.

Hindi ako magkakamali. Ikaw nga iyon at nagkatinginan tayo. Naaalala ko ang mata mo, ang hugis ng iyong mukha, at ang buhok mong dati’y umaagos at nag-aapoy (ngayo’y maikli na). At hindi ako magkakamali na sa unang pagaakala pa lang sa’yo, naalala ko ang pangako dati: na minsa’y ilalabas kitang muli.

Wala kang pinagbago masyado (maliban nga sa buhok mo, na ngayo’y maikli’t itim). Maganda ka pa rin.

Sampung segundo—hindi, mas maikli pa siguro—lamang ang kailangan upang simulan ang isang panghabambuhay na diskurso: kung baki’t kaya’y, sa lahat ng atin nang pinagdaanan (sinasabi ko ito na para bang kay tagal na nga ng ating pinagsamahan), hindi mo man lang ako maalala.

Tinititigan kita upang mapawi ang haka-haka, at napawi nga. Tinignan mo ako at nakilala kita.

Tinignan mo ako, at bumalik ka sa dating kinahaharapan.

2
Marahil paulit-ulit nang sinabi ng nakatatanda sa iyo: hindi mo malalaman ang kahalagahan ng isang bagay hanggang sa ito’y mawala na sa’yo.

Inferno ang impyernong pinagdaanan ko sa iyo. Nang minsang natagpuan kita (at hindi ko maikakaila ang kahalagahan mo at ang matagal ko nang pagnanais ko sa’yo), isinantabi kita sa pag-aakalang naroroon ka pa sa aking pagbalik. Siyempre, ako’y nagkamali at pinilit kong paniwalaan na ikaw ay matatagpuan ko pa rin.

Nang ako’y nagbalik, nanghina ang loob ko’t nanlambot ang aking tuhod nang makitang ang dating kinalalagyan mo ay ngayo’y wala nang pumupuno. Ang anyo mo, na minsan ko nang nahaplos, nabatikos, ay ninanais ng aking mga daliri’t palad. At sa mga panahong iyon ay handa na akong magmakaawa sa sino man iyong hawak ka.

Demonyo ka. Pinaniniwala mo ba ako, o sadyang ayaw ko lang amining hindi ako makapaniwala?

Ipinagpalit kita sa pansariling muni-muni, sa mga bagay na puwede namang makuha nang hindi mo kapalit.

Pinilit ko na lang isipin na hindi tayo itinakda, itinadhana. Pero sino na nga lang ba ang itinatadhana? Ang umaasa (na siya ding naiiwang nakatunganga)? Mayroon ang iba dahil hindi sila nagpakawala. At, marahil, napag-iiwanan na ng panahon ang siyang naghihintay na lamang sa itinakda.

Ano pa’t naghahanap na lang ako ng katulad mo (isang pampalubag-loob) na pilit ipapaalala ang mga bagay na hinding-hindi na magiging akin. O, hindi—Mga bagay na nasa sa akin na sana.

Aking binalewala.

April Fools

Saktong isang taon na ang nakakalipas nang maganap ang usapan nating ‘to:

“Hey?”

Yeah?

“I have something to tell you.”

What is it?

“I think I like you na❤❤❤ ”

Sa isip ko: Oh ehm gee. Ako din.

“Just kidding! HAPPY APRIL FOOLS’ MERVINE!!”

Aw hehehe sabi ko na nga ba eh. Happy April Fools’! Haha

Kaya ayun. Wag kang magjojoke ng ganyan. ‘Yan tuloy. Girlfriend na kita.

The Morning After

 (With apologies to Alexis de Tocqueville)

What happens after we fight? After the Revolution, was there ever a point? Do we fight for anything? Why do we fight? How do we manage to convince ourselves everyday that this is worth it?

If only you knew how everyday, all I’d wish for is that you could be with me. How much it hurts to think you’re not beside me now. Or how on some nights, I can’t even reach you. I told you, I promised, I won’t let any night pass that we’re not okay. I don’t want to keep you waiting, but we’ll get there together right? We’ll be together soon.

The Revolution only made the inevitable happen sooner. If this nation of ours is bound to break eventually, then let it be, one by one. If that’s what all these nights are for, I don’t want a Revolution. I don’t even want to fight. We never asked for those rough nights. We never asked for the distance.

But I asked for you, no matter what happens.

If we’ve got to pick up our arms, then let it be against the odds, against the giving up on us. I’m not giving up on you. I’m not letting this go.

I woke up one morning. You were beside me. We were like we fell asleep. You were cuddled to me and my arms were around you. This is our pretend home. Our pretend bed. Our pretend real. But I know it was real. I know we made it happen. I was feeling for your hands to hold. I was feeling for your warmth to embrace. You woke up and kissed me. And I fell for you again.

I asked you, when we woke up.

Where do we go from here?

“Forever?” you said.

“Forever,” you said.

So what’s the point in all of this? After we break ourselves? After we pour our hearts out? When we’re nothing but tired and worn and weary? When all we want to do is tear down these walls between us? When we’ve nothing to do but lay down our arms and let ourselves settle? After the wounds and scars and fatalities that become us? What happens to us after all these words and actions, after I’ve stretched out so far to get to you?

What happens the morning after?

I don’t know.

I just want to wake up next to you.